4.11.2018

Walang kuryente sa UP kanina.

Walang kuryente sa UP kanina. Nasira tuloy ang plano kong tumambay sa library para magcharge, kaya wala akong choice kanina kung hindi sumalampak sa labas ng library at ubusin ang oras sa pagbabasa. Hindi ko namalayan ang oras. Tatlong oras na pala akong nagbabasa. Pagtingin ko sa relo ko, pasado alas singko na. Nalate na ako sa klase.

Naisip ko, habang naglalakad papunta ng AS, mukhang kaya ko na ulit talagang mag-isa.

Siyempre, katulad nga ng sinabi ko kanina, wala naman akong choice kung hindi mag-isa kanina. Pero narisip ko, hindi man lang ako naasar, nainip o nabalisa sa pag-iisa. Komportable kong napalipas ang oras.

Napansin ko na ito noong mga nakaraang linggo. Sa unang pagkakataon mula noong nawala ka, naging komportable na ulit ako sa pagtambay nang mag-isa sa kapihan. Noon, halos mabuhay ako sa iba't ibang kapihan sa Maynila. Minsan kung walang pera, sa 7/11. Ang kailangan ko lang naman, lugar na maliwanag at hindi ganoon katao para makapagbasa o makapagsulat ako. Ngayon, nakapagbasa ako ng dalawang libro sa isang beses na pagtambay sa Coffee Project Starmall.

Hindi naman sa hindi ko nagagawang mag-isa noong magkasama pa tayo, halos tuwing weekend lang naman tayo nagkakasama dahil probi-probinsya ang layo ng bahay natin. Pero tuwing may ginagawa ako noon nang mag-isa, ang naiisip ko lagi, ano kayang gagawin mo kung kasama kita? Ano kayang ikukwento ko sa'yo mamaya 'pag nagkausap tayo? Ano kayang ginagawa mo? Kumbaga, hindi ko naman naiisip at nararamdaman na mag-isa ako noon.

Noong hindi na tayo nagkikita, naging ilag ako sa pag-iisa. Parang lagi't laging gusto kong may kasama. Sa simula't sapul naman ay mabibilang sa isang kamay ang mga tinuturing kong kaibigan, at lahat sila, malayo sa akin ngayon, kaya kung sinu-sino ang sinasamahan ko. Kain dito, kain doon. Lakwatsa rito, lakwatsa roon. Natatakot akong mag-isa.

Akala ko noon, iyong mga malalaking bagay ang kailangan kong balikan noong nawala ka. Nabago mo ako sa panahong magkasama tayo, at para makalimutan kita, kailangan kong maibalik iyong sarili ko bago kita nakilala. Noong nagsimula na tayong hindi mag-usap, bigla-bigla kong ibinalik ang pag-iinom ko, pag-uwi nang madaling araw, at iba pang kalokohan na ipinagbawal mo sa akin noon. Hindi pala iyon ang kailangan kong balikan; iyong pag-iisa pa lang nakasanayan ko bago ka dumating.

Tinanong mo ako noon kung para sa akin, ano ang sign na true love na ang nararamdaman ko. Ang sabi ko, alam kong true love na iyon kapag kaya na namin manahimik nang magkasama. Mangiyak-ngiyak ka katatawa. Halos kapusin ka na ng hininga. Hindi mo naintindihan. Naging running joke na sa atin iyon. Ang sabi mo, mahal mo nga tapos mananahimik ka lang kapag kasama mo? Sa lahat ng bagay na naimali ko noong magkasama pa tayo, siguro sa bagay lang na ito ako tumama. Tama ako, may katahimikan dapat sa pagmamahal. Kaya sobrang ingay ng pagsasama natin, kasi nga hindi naman pala pagmamahal.

Ngayon, kaya ko na ulit manahimik nang mag-isa. Minamahal ko na ulit ang pag-iisa.



9.21.2017

Sa Wakas

Wala pa ako sa wakas. Pero sigurado na ako ngayong doon ako papunta. Pasensya na at salamat.



9.01.2017

Sa Ngayon

Ang biruaan namin noon ng mga kaibigan kong manunulat, lahat daw ng mga pagkakamaling ginawa, ginagawa, at gagawin pa lang namin, ay para sa kani-kaniya naming talinghaga. Halimbawa, sa talinghaga ng Sapang Palay (na siyang tunguhin na nga pala ng thesis ko, sana!) ang lahat ng pag-alis at pagdating ko, lalo na't tuwing gabi, at delikado, at muntik-muntikan ko nang ikamatay, ay para makilala ko ang lugar na ginagalawan ko. Mali. O iyong isa, sa talinghaga ng pag-ibig, lagi't laging iibig gaano man kasakit at kahirap dahil kailangan ng metaphoooooor.

Mali. Siguro dapat gumagalaw ang sining akma sa buhay natin, hindi gumagalaw ang buhay natin akma sa sining. 

Pero sa totoo lang, wala akong naisusulat nitong mga nakaraang buwan. Siguro dahil lahat ng dapat kong isinusulat lang ay nangyayari sa akin mismo. Mahirap pala. Gusto ko mang kumuha ng ballpen at papel para maitala lahat ng nangyayari, 'di ko magawa. Kasi nga nangyayari. Sabi nga ni Mommy Chingbee: 



O siguro, masarap din pala kahit paano na imbes na ikulong mo sa talinghaga ang lahat ng nararamdaman at nararanasan mo ay may gustong makinig sa'yo. Ata. Dramaaaa. Pero totoo. Umiinom na ako nang tubig noong nangyari 'yon. Nag-aagahan na ako. Natigil na rin ang isa sa mga bisyo. Umayos ako, kahit paano.

Pero ayun, bale balik lang sa dati. Ako at ang panulat ko lang. Ako at ako lang. Ako lang. Masarap din sumubok na sirain ito hah, sa totoo lang. Basta. 'Di ko rin masabi lahat.