5.25.2015

Unyango




Mukhang mauuna pang mag-move on ang blog na ito kaysa sa akin.

Hindi ko alam kung ano ang iniisip ko noong pangalanan ko ang blog na ito na Outrageous Writer. Pero kahit gaano kabaho at ka-"ambitiousssss" ang titulong ito, ang Outrageous Writer na ang pinakamatinong naging pangalan ng blog ko. Sunshine Girl ang kauna-unahang blog ko kung saan nagpopost ako ng tips patungkol sa lahat ng bagay. Ang iniisip ko noon, magiging sikat ako sa pagbibigay ng payo sa mga tao. Pero wala namang kwenta ang mga pinoproblema ko noon at lalong walang kwenta ang mga itinatala kong solusyon kaya wala talagang kwenta ang blog na iyon. Sumunod naman ang Rheiyapot kung saan literal na nagsulat si Rhea bilang isang babaeng potpot (wag sana mamali ang basa niyo) o iyong tipong GANiTO MAGPOST DAHiL FEELiNG COOL tungkol sa mga bagay na sa tingin niya ay cool. Ngayong sinusubukan kong balikan ang konsepto ko ng cool noon, nag-iinit lang ang ulo ko.

Noong magkokolehiyo na ako, naisip ko na gusto ko na talagang maging manunulat. Bahagi ng realisasyon na iyon ang ideya na unti-unting ipabasa ang mga gawa ko sa sa ibang tao kaya naisip kong gumawa ng isang online portfolio ng mga isinusulat ko. Pero hindi ko pa rin kaya bitawan ang pagiging potpot (muli, wag sana mamali ang basa niyo); hinahanap-hanap ko pa rin ang kalayaang magsulat lang ng kung anong pumasok sa isip. Nasa bahagi rin kasi ako ng buhay ko noon na tila nawalan ako ng ganang ibahagi ang sarili ko sa mga tao sa paligid ko. Kung magbabahagi man ako ay iyong nasa balkonahe lang ng isip ko kahit alam ko noong palaki na nang palaki ang madilim na kwarto sa utak ko. Kaya para hindi nang lumawak pa ang madilim na kwarto sa utak ko at para na rin mapunan ang kakulangan ko sa interaksyong pantao, gumawa ako ng isang panibagong blog. Ang Outrageous Writer ang naging talaan ng aking mga personal na karanasan kasabay ng pagiging online portfolio nito.

Swerte na lang din na medyo naging cool talaga ako sa kolehiyo, iyong tipong cool na hindi mapapainit ang ulo ng lahat ng tao, mangilan-ngilan lang suguro. Kung saan-saan ako nagpupunta at kung anu-ano ang ginagawa ko, at kung hindi man lahat, karamihan sa mga karanasan na iyon ay pilit kong ipinulumpon sa Outrageous Writer blog. Swerte ulit na may mangilan-ngilang nakapansin ng kabibuhan ko at ng Outrageous Writer kaya nagkaroon ng mga sponsor ng iba't ibang bagay. At nitong nakaraan lang, ang ito ang naging pangunahing mitsa ng pagkakaroon ko ng trabaho.

Kanina lang, bago ko isulat ang post na ito, binalikan ko ang arstibo Outrageous Writer. May ilang post na ikinagulat ko dahil sa sobrang talino ng pagkakasulat (pasensya na sa narsisismo) , hindi ko lubos maisip na naisulat ko ang mga iyon. Masaya dahil minsan pala naging matalino ako, kahit isang saglit, pero malungkot din dahil mapagpanggap, narsisistiko at nagmamagaling na ang tunog ng mga post na iyon sa akin ngayon. Marami-raming bahagi ng Outrageous Writer ang umikot sa ideya ng kagustuhang maging malalim pero nakalubog naman sa kababawan ng mga karanasan at pangunawa. Masyadong maraming sinasabi pero wala naman talagang nasasabi. Puro hugot ang kawawang bata.

May isang folder din sa netbook ko ngayon ang may pangalang "Blog Templates" na sa ngayon ay may labinlimang .xml files. Sigurado akong hindi lang labinlimang blog layout ang nagamit ko. Halos lahat ng uri ng blog skin ay nadaanan na ni Outrageous Writer. Naging black and white. Naging white and black. Naging pink and white. Naging black and gray. Naging white, violet at black. Nagkaroon ng mga anime, bulaklak, at iba pa. Kung ano ang takbo ng utak ko ay siyang takbo rin ng itsura ng Outrageous Writer. At palaging pagewang-gewang ang takbo ng utak ko. Kahit ako mismo.

At siguro, ngayong papatapos na kayo sa mahabang post na ito, napansin niyo nang iba ang lenggwaheng ginamit ko. Marami-raming bagay sa mundo ang hindi ko agad napagtatanto, at isa na roon ang kagandahan ng Filipino. Maganda pero sobrang kumplikado. Kung ako ang tatanungin, mas nahihirapan akong magpakadalubhasa sa paggamit ng Filipino kaysa sa pag-aaral ng Ingles. Naaasar ako sa realisasyon na ito dahil alam kong walang ibang sanhi ito kung hindi ang isipang kolonyal na namahay na sa utak ko. Filipino naman ang gamit ko sa pangaraw-araw pero sa mga pagkakataong gusto kong maging edukada ay tumatalon ako sa Ingles. Kaya nitong nakaraang linggo lang, napagpasyahan kong Panitikang Filipino (Malikhaing Pagsulat) ang kukunin kong masterado. Ngayon pa kung kailan may double degree na ako sa English Literature. Ngayon pa na masasabi kong medyo gamay ko na ang Ingles. Ngayon pa kung kailan nagbabadyang matanggal ang mga asignaturang Filipino sa kolehiyo. Itinutulak ko ang sarili ko sa bangin, pero bahala na. Sabi nga ng kaibigan ko, magiging isa ako sa last breed na papatayin ng CHED Memorandum Blg. 20–2013. Pero bahala na. Eh di patay kung patay.

Pero siguro, ilang araw mula ngayon, may mga pagbabago na namang mangyayari. Baka magbago na naman ng pangalan ang blog na ito. Baka magbago ang itsura. Baka magbago ang laman. Baka magbago ang lenggwahe. Baka magbago ako. Pero sa ngayon, hahayaan ko munang ang pangalan ko mismo ang magdala ng mga salita ko at ng mga pagbabago.

1 komento: