6.25.2015

Alabok


Alabok
ni Rhea B. Gulin

Patawad,
mukhang hindi ako makakarating
sa pagkikita natin bukas,
kanina ko lang kasi napansin
ang kapal ng alikabok at agiw
na bumabalot sa akin.

Kailagan ko pang maglinis ngayon,
masyadong makalat ang kahapon,
narito pa rin ang mga ginamit mong kubyertos
noong una tayong magkita,
at ang iyong kupas na maong
na lalabhan ko pa.

Tantsa ko'y aabutin ako hanggang mamaya,
isa, dalawa o tatlong oras pa,
pero baka hindi ko pa rin matapos,
baka kahit hanggang malakawa
ay makita mo pa rin akong pilit na nililinis
ang lahat ng namagitan sa atin.

Ikaw naman ang maghintay, mahal,
dahil inabot din naman ako ng makailang taon
sa paghihintay na malinis mo
ang iyong mga sariling dumi
na handa ko naman talagang tanggapin.

Ako naman ang maglilinis
ng mga duming iniwan mo sa akin.


*Isa sa mga maliliit na hakbang ng isang ambisyosang palaka tungo sa mundo ng pagtula.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento