6.22.2015

Ang Sandali ng mga Mata ni Alvin Yapan

Nag-umpisa ang nobelang "Ang Sandali ng mga Mata" ni Alvin Yapan sa isang pagkamatay, na sumanga sa isang istorya pag-iibigan, na naging kwento ng isang pamilya, na naging kasaysayan ng isang lugar, na naging isang nakaraan ng isang buong bayan, na tumuloy sa isang liku-likong sumpa, na maaaring tumatagos, o tumagos ngang talaga, sa rebyung binabasa niyo ngayon.


Maraming mga kwentong punung-puno ng mga tangka ng pananakot, pero halos lahat sila nagmimistulang mga epekto lamang ng katangahan dahil sa kawalan nila ng mga konkretong pinanggagalingan. Mga tagpong nagnanais manindak sa pamamagitan ng mga pangyayaring kagulat-gulat; ang mga paglitaw-litaw ng kung anu-ano sa kung saan-saan para lamang mapaandar ang kwento. Pero ibang usapan kung ang serye ng lagim ay nakaangkla sa kultura at kasaysayan, ang dalawang aspekto ng buhay ng tao na mahirap hanapan ng butas. Halos walang mga puwang kung saan maaari kang tumigil at bulungan ang sariling walang katotohanan ang lahat ng binabasa mo.

Dala ng "Ang Sandali ng mga Mata" ang katatakutang dulot ng pamilyaridad, o kung paanong nakahalo ang katotohanang kinabibilangan mo mismo, sa mga serye ng katatakutang maaaring kinabibilangan mo rin pala. At upang lalo pang mapaigtig ang pananakot, nagsasanga-sanga ang naratibo sa iba't ibang kwento na tila ba isang ahas na dahan-dahang lumilingkis sa mambabasa. Pumapalupot sa pamamagitan ng mga koneksyon ng isang tagpo sa isa pa, at patuloy na humihigpit sa pamamagitan ng malabis na paglalarawan. At sa oras na direkta mo nang nararamdaman ang pananakal ng nobela, malalaman mong napabilang ka na rin pala sa naratibong binubuo ng manunulat.

Hindi mo mamamalayang gumagalaw ka na pala sa loob ng nobela.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento