6.24.2015

Batman Syndrome

Larawa mula sa CrossStreet

Hindi ko alam kung paano at kailan nag-umpisa ang paghihintay ko sa gabi.

Sa tuwing may naiisip akong isulat, hinihintay kong gumabi bago ko ipulumpon ang mga salitang naiisip ko kahit marami naman akong oras noong partikular na umaga o tanghaling iyon. Pagpatak ng alas siete ng gabi, magtitimpla na ako ng kape, bubuksan ang ilaw sa kama ko, at saka magsusulat.

Kahit sa pagbabasa, halos lahat ng librong nabasa ko, natatapos ko tuwing gabi. Oo nga't lagi akong may dalang libro kahit saan, para kung sakaling walang magawa o may kailangang hintayin, may magagawa man lang ako. Pero halos nakakadalawa o tatlong pahina lang ako lagi tuwing nagbabasa sa liwanag ng araw. Iba kung gabi na at ang ilaw lang sa kwarto ko ang nagsisilbing gabay ko sa pagbabasa, animo'y kabayong nasa karera ang bilis ko sa pagtakbo mula sa isang pahina patungo sa kasunod. May mga humahabol pang kritisismo sa binabasa. May mga sumasakay pang inspirasyon sa sariling pagsusulat kung minsan. Lahat ng iyan, tuwing nagbabasa ako sa gabi.

Sinasabi ng iba na baka katulad nila, tuwing gabi gumagana ang utak ko. Pero sa tingin ko ay hindi. Marami naman akong naiisip isulat at gawin tuwing tirik ang araw dahil doon ako maraming nakakasalamuhang tao at maraming nakikitang iba't ibang pangyayari. Pero kusang nagtitimpi ang utak at buong sistema ko, kusang naghihintay ng pagsapit ng gabi.

Gabi rin ako nagkakalakas ng loob para magbulalas ng mga saloobin. Katulad ngayon, 9:22 na nga gabi habang sinusulat ko ito. Kaninang 3:30 ng tanghali, sinubukan kong magsulat ng isang sanaysay patungkol sa pagsusulat ng sanaysay, pero na umay lang ako sa gawa ko kaya pinindot ko ang CTRL A + Delete na hindi ko na maisasalba pa dahil sanay akong sa notepad nagsusulat imbes na sa MS Word. At hindi lang sa pagsusulat ko naipapahayag ang sarili tuwing gabi, madalas ay lumalalim ang pag-uusap naming magkakaibigan kapag pumapatak na ang gabi. Sa kanto man ng isa sa mga boarding house namin, sa tapat ng isa sa mga pinagtatrabahuan namin, sa loob ng isang bar, sa sulok ng isang kapehan, o kahit sa gitna ng isang fastfood chain na hindi nauubusan ng tao, nagagawa naming pag-usapan ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Anong nga ulit ang nangyari sa inyo ni ano? Bakit nga ba ginawa mo iyong bagay na iyon? Ano na nga bang balak mo rito? Ano ba talagang ibig mong sabihin noong sinabi mo ang ganito? At iba pang paksang hindi namin nagagawang isipin man lang tuwing nakasilip pa ang araw. Madalas ay nagkakatawanan, minsan nagkakaiyakan, may pagkakataon ding napapatulala na lang kami sa isa't isa.

Naiisip ko tuloy kung minsan na baka alam ng subconscious ko na maanumalya ang mga isinusulat, binabasa at iniisip ko, hindi kayang tanggapin ng ibang taong hindi pa gaanong gising bagaman dilat ang araw tuwing umaga at tanghali. O kaya ay takot lang talaga akong hayagang mamuhay sa paraang gusto sa harap ng maraming tao dahil marami-raming panghuhusga na ang dinaanan, dinadaanan at daraanan ko.

Basta, mahal ko ang gabi at mukhang mahal din naman niya ako.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento