7.17.2015

Of Love and Other Lemons ni Katrina Stuart Santiago

Sa pagkakatanda ko, labing-anim na taong gulang palang ako noong bilhin ko ang Of Love and Other Lemons ni Katrina Staurt Santiago sa Manila International Book Fair. Pagkabiling-pagkabili ko ay agad ko nang inumpisahan ang pagbabasa. Inakala ko na ang sasalubong sa akin ay isang pulumpon ng mga akdang tungkol sa pag-ibig, aminado naman ako na noong labing-anim na taong gulang ako, tungkol lang sa pag-ibig ang gusto kong basahin. Pero ang humarap sa akin ay isang koleksiyon ng mga sanaysay tungkol sa pagiging babae. Mahigit kumulang tatlong taon mula noong pagkakataong iyon, ngayon ko lang binasa nang buo ang libro.



Hindi ko masasabing tanga ako sa hindi pagtapos agad ng Of Love and Other Lemons- sigurado akong hindi mauunawaan ng labing-anim na taong gulang Rhea ang nilalaman ng nasabing libro. Dahil maski ang labinsiyam na taong gulang na Rhea ay hindi pa lubos na maunawaan ang mga sanaysay na nakapaloob dito.

Mahusay ang pagkakasulat ng mga sanaysay. Nakakainggit pa nga kung tutuusin, lalo na't isa ako sa mga manunuat na gusto na talagang tahakin ang pagsulat ng mga sanaysay. Sa kabilang banda, bilang isang mambabasa, agad kong naunawaan ang mga sentimyentong nais iparating ni Santiago sa bawat akda. Nagustuhan ko rin ang mga punto ng pagpapahinga sa gitna ng mga akda, mga maiiksing teksto at mga nakatutuwang guhit na naglalaman pa rin ng mga mabibigat na ideya (in short, may pang-instagram moments!)

Pero hindi ko maikakailang may mga puntong nalunod ako sa mga sanaysay sa Of Love and Other Lemons. Una, naisip ko na tila galit na galit na ang manunulat sa mundo dahil sa mga paghihirap ng mga babaeng naranasan niya mismo o nasaksihan sa mga tao sa paligid niya. Ikalawa, may mga pagkakataong naramdaman kong tila paulit-ulit na lang ang mga sentimyentong ipinaparating ng mga akda.

Sa kabilang banda, naisip ko, siguro kaya hindi magawang tuluyang maikonekta ang sarili sa mga sanaysay na ito ay dahil hindi ko pa naman sila nararanasan. Swerte ako na lumaki ako sa pamilyang hindi napapaligiran ng kung anumang mga diskriminasyon dahil sa kasarian, at sa mga paaralang pinasukan ko ay agad ko namang nailayo ang sarili ko sa imaheng "typical school girl". Wala pa namang taong malapit sa akin ang nag-isip na hindi ko magagawa ang mga gusto kong gawin at hindi ko mararating ang mga gusto kong marating dahil sa kasarian ko.

Pero naalala ko agad kung paanong isang beses ay sinubukan kong magsuot ng high-heeled shoes dahil sa ideyang ang pagsusuot non ang makakakumpleto sa pagiging ganap kong babae. Matangkad na nga ako ay tinaasan ko pa ang takong ko, halos malula-lula talaga ako habang naglalakad. O iyong katotohanan na magpa-hanggang ngayon ay hindi ko pa rin pinapaalam sa mga magulang kong marunong na akong uminom dahil baka akalain nilang nagiging lasenggera na ako, gayong masusi kong sinanay ang sarili ko sa pagtanggap ng tama ng alak upang maprotektahan ang sarili sa mga hindi maiiwasang pagkakataon na dapat uminom. Para kahit ilang alak man ang humarap sa akin ay kaya kong umuwi ng ligtas... at buong-buo. Baka akalain nilang ginagawa ko na ang "mga bagay na iyon" dahil sa pag-inom gayong ang gusto ko ngang mangyari ay ang maiwasan ang "mga bagay na iyon" kaya ko tinuruan ang sarili kong uminom. Mahal ang isang bote isang gabi hah!

At higit sa lahat, ang hindi maikakailang awa na nakikita ko sa mga mata ng tao tuwing malalaman nilang wala pa akong boyfriend. Tila nawawasiwas ang pagtatapos ko ng may double degree sa Literature. Naririnig ko halos ang pagplakda ng pagkatao ko.

Maliliit na mga bagay kung tutuusin, ang pinakanakakabagabag ay ang katotohanang may mga pagkakataong bumaba ang pagtingin ko sa sarili ko. Napa "uy oo nga" ako sa mga komento nila tungkol sa akin, at makailang beses akong gumawa ng paraan para maitaas ang aking "pagiging babae" sa mga pamantayang sinasabi nila. Naisip ko na ang mag boy hunting. Oh di ba nakakaloka.



Kaya hindi ko agad naisulat ang dapat ay maikling rebyu lang sa librong Of Love and Other Lemons dahil kinailangan ko ring gawan ng rebyu ang sarili ko bilang isang babae. Siguro nga ay hindi kasing lakas ng mga diskriminasyon na nakapaloob sa nasabing libro ang mga nararanasan ko, at lalung-lalong hindi kasing lakas ng mga tangkang paglaban sa mga diskriminasyong ito ang ginagawa ko sa tunay na buhay. Kung paglaban ang pagsasawalang bahala na lang, masasabi kong iyon lang ang nagagawa ko. Pero naroon ang katotohanang meron akong ipinagsasawalang bahala. May mga nangyayari.

Isa rin kasi ako sa mga nagpapakaintelektwal na mga babaeng sinsabing masyadong malaki ang sakop ng salitang "feminista" para ilapat sa sarili. Na marami pa kong hindi nauunawaan; na marami pa akong dapat maunawaan. Na mahirap sabihin na "empowered woman ako" gayong romantiko rin naman talaga para sa akin ang ideya ng pagkakaroon ng isang taong handang laging sumagip sa iyo. O iyong pagpapatunay na hindi na ako naaapektuhan ng makamundong pamantayan ng kagandahan gayong gustung-gusto kong mangolekta ng Maybelline lipsticks ngayon.

Pero naisip ko rin na ang ideyang iyon ay isang direktang ebidensiya ng pagmamaliit sa sarili. Ewan ko na.

Maikli lang talaga dapat ang post na ito tungkol sa Of Love and Other Lemons ni Katrina Stuart Santiago. Pero ang hindi inaasahang pag-agos ng kung anu-anong sentimyento habang isinusulat ko ito ay isa na sigurong malaking patunay na marami ngang mga "Kawomenan" na istorya ang bawat babaeng gustung-gusto nilang ibahagi. Tulad ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento