9.13.2015

9/13/2015 7:51 PM

Mula sa Apiary Literary Journal

Pahinga muna mula sa pag-alala ng nakaraan para sa dalawang sanaysay na sinusulat ko ngayon. Mag-aapat na buwan na mula noong palihan at hanggang ngayon ay wala pa rin akong napapala. Sana, itong dalawang isinusulat ko ngayon, makuha doon sa dalawang antolohiya na pinupuntirya ko ngayon. Unti-unti na kasi akong hinahampas ng mga salita kong palutang-lutang pa rin hanggang ngayon. Hanapan ko naman daw sila ng patutunguhan, kahit paano.

May nagtanong sa ask.fm ko kung anong kabanata sa buhay ko ang gusto kong balikan. Ang sinagot ko, iyong pito hanggang walong taong gulang ako, para makumpirma ko kung totoo ba talagang nangyari itong mga naaalala ko ngayon, o katulad lang ba sila ng mga bagay (at tao) sa paligid ko na nililinlang lang ako. Noong nagkaroon kasi ako ng konkretong burador sa ika-apat na sanaysay na naisulat ko mula noong palihan, (sa makatuwid ay pitong sanaysay na ang naisusulat ko) napagtanto ko kung gaano kadumi ang nakaraan ko. Madalas kasi ay lagi kong sinasabi na mas malala ang nangyayari sa iba dahil hayagan ang sakit na nararamdaman nila, pero iyong sa akin, mukhang nakabaon pala nang todo, kailangan pang hilain paitaas nang pagkalakas-lakas para makita.

Hindi ko alam kung anong mas nanaiisin ko, iyong mga sugat na hayagang nakikita o iyong mga nagtatago. Iyon kasing madaling makita, madali ring gawan ng paraan para maghilom. Samantalang iyong mga nakakubli sa dilim, hindi mo alam, kinakain ka na pala nang buong-buo.

Napagbiruan na namin ito ng isa kong kaibigan. Sabi ko "I am so dirtyyyy"; at itong pagsusulat pala, parang isang mahabang serye ng paglilibag. Nagtatanggal ka ng dumi sa katawan habang nagsusulat. Swerte ko na marami akong dumi sa katawan, kaya marami-rami rin akong naisusulat. Pero binawi ko iyon at sabi ko, mali, hindi pala paglilibag, pangungulangot, iyong tulad ni Nobita. Tinatanggal mo ang dumi sa katawan mo tapos ay huhulma ng isang obra. Kadiri pero sakto kung tutuusin.

Hindi ko na talaga alam kung ikatutuwa ko pa ang lahat ng bagay na naaalala ko sa nakaraan ko. Minsan naisip ko, sana di na ako umalis sa pagsusulat ng maikling kwento, doon ay kahit ibahagi ko ang sarili ko ay maaari kong itanggi na ako iyon. Gawain ng mga duwag pero hindi isang tuwirang kasalanan. O pwede rin naman akong maging isang makata, pero sigurado naman akong wala akong mararating sa larangan na iyon. Tignan niyo palang itong pagkahaba-habang blogpost na ito, hindi ko pa kayang ikahon ang mga gusto kong sabihin sa bilang na mga salita. At lalong hindi ko pa gamay ang paggamit ng simbolismo, balikan niyo na lang ang paghahambing ko sa paglilibag at pangungulangot sa pagsusulat ng sanaysay.

Pero sa ngayon ay itutuloy ko muna ang pagsusulat ng mga naaalala ko tungkol sa sarili, bago pa sila tuluyang maglaho. Kung may mararating man sila o wala, bahala na. Bahala na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento