5.01.2017

Makiling

Hindi ginustong lumayo ni Maria Makiling. Sigurado ako rito. Noong minsang palihim kong pinuntahan ang diwata para kunan ng larawan na aking ilalagay sa gilid ng higaan, nakita ko kung paano siya nasilaw sa sariling kagandahan. Sa harap ng nagliliwanag na buwan, pinilit putulin ni Maria Makiling ang sariling pakpak. Ginalusan ang mala-diyamanteng balat. At saka tumangis nang pagkalakas-lakas. Isa-isa niyang tinapakan ang mga bulaklak na tumutubo sa lupa mula sa kanyang mga luha. Hindi dapat kagandahan ang umuusbong kalungkutan. Kaya pinili na lamang niyang lumayo at magtungo sa kaibuturan ng kagubatan upang malaman kung may makakakita sa kanya sa kadiliman. Lumipas ang panahon at iba’t ibang kwento at tula ang naisulat tungkol sa kanya. Bawat isa, naririnig niya. Tungkol sa kanyang pakpak. Sa kanyang kapangyarihan. Sa kanyang hiwaga. Sa kanyang ganda. Ngunit wala ni isa ang tungkol sa kanya. At ito ang lagi kong naiisip, sa tuwing humihiga at nakikita ang nag-iisang larawan kung paano nasilaw si Maria Makiling sa kanyang sariling kagandahan.

Naging alamat ang kanyang kalungkutan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento